Tuesday, 8 March 2011

part 2 - alaala ng kamusmusan

continuation: (part 2)

pag pasko:
aking nagugunita pa tuwing sasapit na ang pasko. lahat ay walang kasing ligaya. buong nayon ay nagsisimba para sa simbang-gabi, alas kwatro ang misa kaya't alas tres pa lang ay gising na kami para mag-ayos at magbihis para sa simbang gabi. nilalakad lang namin mula sa bahay namin papunta sa bisita ng nayon namin. habang daan, meron kang makikitang nagtitinda ng puto, bibingka, kakanin at puto-bumbong, may libre pang tsaa.  merong mga parol sa mga bahay na dinadaanan namin, ngunit mga simpleng parol lamang noon na konti lang ang merong ilaw.  bihira lang ang merong krismas lights na dekorasyon noon, yung mga nakakariwasa lamang sa buhay.  sa kapitbahay namin, gustong-gusto ko yung ginagawa nilang walis-tingting na krismas tree, binabalutan nila ang tingting ng puti at nilalagyan ng maliit na bulak sa dulo at binabalutan ng pula. tapos ay lalagyan na nila ng dekorasyon pag nakaisang bungkos na sila ng tingting na pinalamutian ng mga bilog na bola.  sa bahay naman namin, may tradisyon na kaming nakagisnan na laging ginagawa ni nanay pag pasko, yung kanyang belen, simpleng litrato ng ipinanganak ang Poong si Jesus sa sabsaban na nandoon sa larawan si Mama Mary, St. Joseph, tatlong hari at mga pastol, wow ang ganda ng design ni nanay, minsan bumibili pa sya ng crepe paper na bughaw at puti, tapos lalagyan nya ng mga dinikit na bituing papel.  meron din kaming plastik na krismas tree pero maliit lang, si nanay ang nagdedekorasyon nung krismas tree na yun.. pag bisperas ng pasko, patutulugin kami ni nanay ng maaga, kase daw pag gising kami ay hindi pupunta si santa klaws para ibigay ang regalo namin sa pagiging mababait na bata. taon-taon tuwing pasko, simula nung bata pa ako, paggising na namin sa araw ng pasko, meron nang tiyak na laman ang isinabit naming mga medyas para kay santa klaws, merong mansanas, tsokolate, at kendi ang laman. tuwang-tuwa kaming magkakapatid lagi. pag araw din ng pasko, ang daming handa ni nanay, merong spagetti, menudo, humba (every krismas hindi nawawala ang handa ni nanay na humba) - wow, sarap, manamis namis na yung karne at taba ng pigi ng baboy. meron ding minatamis na halaya, beans, gelatin..tapos mamamasko kami sa mga kamag-anak namin, at paramihan kami ng aginaldo nila bunso at pintoy.  bago ko malimutan, bago magpasko nga pala, ay gabi-gabi kaming nangangaroling sa mga kapitbahay namin at masaya na kami pag nabigyan kami ng singko, kahit sintunado, sige pa rin kami sa pagkakaroling. pag pasko na, paghahati-hatian na namin ng mga kalaro ko ang nakolekta naming pera sa karoling. meron ding mga kabataan (mga binata at dalaga) na nangangaroling sa bawat tahanan, at dun pa sila nagliligawan sa simbahan pag simbang gabi. kay sayang gunitain ng pasko noong mga bata pa tayo, para tayong si baby Jesus na walang malay, inosente pa sa buhay...

(tomorrow ulit, i'm sleepy na)

Monday, 7 March 2011

ala-ala ng kamusmusan

kay sarap gunitain ng ating kamusmusan, lalo na't lumaki ka sa tahimik na probinsya at masayang pamilya. kay sarap gunam-gunamin ng ating nakaraan lalo na ang ating kamusmusan...noong mga batang paslit pa lamang tayo...inosente, walang malay, walang problema sa buhay...

tatlo kaming magkakapatid: ako, si pintoy, at si bunso...lumaki kami sa mapagmahal at masayang pamilya...mabait ang nanay at tatay ko, mapalad din kami sa pagkakaroon ng mapagmahal at mapag-arugang abuela, ang aming bada sa father side, at ang lola ko sa mother side..

kaya't hayaan nyo akong maglakbay muna sa aking kamusmusan.....
nakakatuwang isipin ang aking mga kababata at kalaro, mahilig kaming maglaro ng tiko, luksong-lubid, chinese garter, bending body, kara kurus, goma, tansan, talagong, taguan, platin (patintero), habulan, etc...ang sarap maglaro sa liwanag ng buwan..sa likod bahay namin ay kabukiran,kaya't kay sarap damhin ng hangin lalo na at amihan...kapag anihan na ng palay at tapos na ang gapasan, asahan mong lagi kami sa pinitak at naglalaro sa mga dayami..naroong maglaro kami ng bahay-bahayan...meron pa ngang puno ng duhat sa may pinitak ng tata luis,  tsaka kamatsile naman doon sa bukid ng nana dusya, ang sarap manguha ng mangga at bayabas sa bukid nila tata inggo, ngunit kung mamalasin ka at mahuli ka nya, lagot kang bata ka, hehehe...pagkatapos ng anihan ay nagpapatubig na ang mga may bukid, kaya't ang sarap mamikbik ng mga talangka sa pinitak, lalagyan mo lang ng konting darak ang loob ng lata or kaya ay bao tapos ay ibabaon mo sa tubig sa pinitak, pagkalipas ng ilang oras, ang dami nang nahuling mga talangka sa loob ng bao at lata..natatandaan ko pa, isang beses, naka-isang sako yata kami ng talangka ng mga pinsan ko...masarap na luto ng talangka yung pinipiga ang laman at iginigisa, wow, sarap..masarap din ang burong talangka...peborit ko din noon ang alupihang dagat, manamis-namis lalo na at isasahok sa suka na madaming sibuyas...peborit namin ng tatay ko ang maliliit na alimasag, super sarap yun at manamis-namis, tanda ko pa noon, nakakatig-isang bandehado kami ng tatay ko pag kumain kami ng maliliit na alimasag, na isinasawsaw sa suka...karamihan sa mga ulam ay pareho kami ng gusto ni tatay, peborit din nya ang swaheng hipon, kay sarap pagmasdan habang naglulundagan pa sila sa tabo...tapos maya-maya lang pagkaluto ni nanay ay balat na lang ang natitira dahil, inubos na namin ni tatay, bweheheh (kawawang hipon)...meron din sa aming usong ulam na tawag ay ukbo (parang balot pero mas malaki na ang sisiw), ang sarap magluto ni nanay ko ng ukbo lalo na at merong sahog na konting kamote..malilimutan ko ba naman ang mga kending nabibili sa tindahan ng dada? merong caramel, adong, tira-tira, kariba...ang peborit ni pintoy at ni bunso na ulam ay tsitsarong baboy at meatloaf, pwede nang ulam sa kanila ang tsitsaron na isinasawsaw sa suka...ang sarap ding bumili ng lutong ulam sa tindahan ni nana udeng, peborit ko ang luto nyang kilawing radish... aba mahilig din akong mag arkila ng mga komiks noon sa tindahan ng nana gandang at matya, pagtagal ay kila nana udeng naman..sa pagbabasa ng komiks yata ako naging bihasang magbasa, wbehehhe...walastik, ang hilig kong tumambay noon sa tindahan ng nana gandang, para lang umarkila at magbasa ng komiks, nasubaybayan ko pa noon ang nobelang "ang manikang takot sa krus" hayyyy...tapos meron pang isa, yung tungkol kay domino na naging cannibal...yeyyy, natatandaan ko pa yun ha?? pero noong mejo nagdadalaga na ko, sa bahay na lang ako nagbabasa ng komiks at inaarkila ko na lang kila nana udeng...ang nakahiligan ko na ay yung mga tapusan at ang tema ay  lab istori, merong lovelife, lovestory, ayyyyyy basta madaming komiks na tapusan na noon...yun ang peborit hobby ko, magbasa ng komiks...

(TO BE CONTINUED TOMORROW, I'M SLEEPY NA)