continuation: (part 2)
pag pasko:
aking nagugunita pa tuwing sasapit na ang pasko. lahat ay walang kasing ligaya. buong nayon ay nagsisimba para sa simbang-gabi, alas kwatro ang misa kaya't alas tres pa lang ay gising na kami para mag-ayos at magbihis para sa simbang gabi. nilalakad lang namin mula sa bahay namin papunta sa bisita ng nayon namin. habang daan, meron kang makikitang nagtitinda ng puto, bibingka, kakanin at puto-bumbong, may libre pang tsaa. merong mga parol sa mga bahay na dinadaanan namin, ngunit mga simpleng parol lamang noon na konti lang ang merong ilaw. bihira lang ang merong krismas lights na dekorasyon noon, yung mga nakakariwasa lamang sa buhay. sa kapitbahay namin, gustong-gusto ko yung ginagawa nilang walis-tingting na krismas tree, binabalutan nila ang tingting ng puti at nilalagyan ng maliit na bulak sa dulo at binabalutan ng pula. tapos ay lalagyan na nila ng dekorasyon pag nakaisang bungkos na sila ng tingting na pinalamutian ng mga bilog na bola. sa bahay naman namin, may tradisyon na kaming nakagisnan na laging ginagawa ni nanay pag pasko, yung kanyang belen, simpleng litrato ng ipinanganak ang Poong si Jesus sa sabsaban na nandoon sa larawan si Mama Mary, St. Joseph, tatlong hari at mga pastol, wow ang ganda ng design ni nanay, minsan bumibili pa sya ng crepe paper na bughaw at puti, tapos lalagyan nya ng mga dinikit na bituing papel. meron din kaming plastik na krismas tree pero maliit lang, si nanay ang nagdedekorasyon nung krismas tree na yun.. pag bisperas ng pasko, patutulugin kami ni nanay ng maaga, kase daw pag gising kami ay hindi pupunta si santa klaws para ibigay ang regalo namin sa pagiging mababait na bata. taon-taon tuwing pasko, simula nung bata pa ako, paggising na namin sa araw ng pasko, meron nang tiyak na laman ang isinabit naming mga medyas para kay santa klaws, merong mansanas, tsokolate, at kendi ang laman. tuwang-tuwa kaming magkakapatid lagi. pag araw din ng pasko, ang daming handa ni nanay, merong spagetti, menudo, humba (every krismas hindi nawawala ang handa ni nanay na humba) - wow, sarap, manamis namis na yung karne at taba ng pigi ng baboy. meron ding minatamis na halaya, beans, gelatin..tapos mamamasko kami sa mga kamag-anak namin, at paramihan kami ng aginaldo nila bunso at pintoy. bago ko malimutan, bago magpasko nga pala, ay gabi-gabi kaming nangangaroling sa mga kapitbahay namin at masaya na kami pag nabigyan kami ng singko, kahit sintunado, sige pa rin kami sa pagkakaroling. pag pasko na, paghahati-hatian na namin ng mga kalaro ko ang nakolekta naming pera sa karoling. meron ding mga kabataan (mga binata at dalaga) na nangangaroling sa bawat tahanan, at dun pa sila nagliligawan sa simbahan pag simbang gabi. kay sayang gunitain ng pasko noong mga bata pa tayo, para tayong si baby Jesus na walang malay, inosente pa sa buhay...
(tomorrow ulit, i'm sleepy na)
No comments:
Post a Comment